‘Di
mo na ba ako mahal?
Gusto
ko sanang itanong ‘yan sa’yo no’ng magkita tayo. Halos hindi ako mapakali,
hindi ko alam kung paano ko itatago ang nararamdaman ko, hindi ko alam kung ano
ba mararamdaman ko kapag magkasalubong mga mata natin.
Nakatalikod
ka, alam ko ikaw na iyon, ang mahaba mong buhok na minsan kapag pumipikit ako
kahit nang wala ka na ay nararamdaman ko pa rin. Babatiin ba kita? Kakausapin?
Yayakapin?
“Oi,
musta?” (sa tagal na ‘di tayo nagkita ‘yan lang sasabihin ko?”
“Ayos
lang, ikaw?”
“Ayos
din.” (Tapos na ‘yon? Iyon na ‘yon? ‘Di ko na dudugtungan? ‘Di ko naitatanong
kung musta na sa bagong trabaho, musta na buhay mo, me nanliligaw na ba sa’yo,
me mahal ka na bang iba?)
Lumipas
ang mga panahon na wala akong magawa kundi tignan ka ng hindi mo nalalaman,
ayaw kita titigan sa mata, natatakot akong hindi ko mapigilan ang sarili’t
bigla na lang maluha. Teka, paano ba tayo napunta sa ganito? Masaya naman tayo
dati ‘di ba? Bakit parang hindi na tayo magkakilala ngayon?
Alam
mo, nang nagpaalam ka at sinabi mo na kelangan mo ng “time and space” hindi
ganoon kasakit, madali kong tinanggap iyon. Akala ko kaya kong mawala ka, akala
ko mas magiging madali ang buhay kapag ‘di ka kasama. Sa una, totoo iyon.
Naramdaman kong para akong nakawala sa pagkakatali, nakawala sa anumang
responsibilidad na meron ako sa’yo. I’m young, and that should go wild. Wala
akong pananagutan sa’yo. Then I started feeling incomplete.
Ang
dami na palang kulang sa buhay ko, sino na iti-text ko sa tuwing gigising sa
umaga? Sino na pagkukuwentuhan ko ng mga nangyari sa maghapon ko, sino na
pagsasabihan ko ng mga masayang o malungkot na pangyayari sa buhay ko – sino na
ang magiging bahagi ng buhay ko?
Nakakabaliw.
Nakakaiyak. Nakakainis. Maraming pagsisisi, pero hindi kita masisisi sa
pag-iwan mo sa’kin. I deserve it. Iyong sakit na nararamdaman ko ngayon ay
karma lang, dahil wala pa ‘yan sa sakit na naiparamdam ko sa’yo dati. Wala pa
mga paghihirap na dinaranas ko ngayon sa mga paghihirap na dinanas mo sa piling
ko. Tama ang naging desisyon mo na iwan ako. Hindi ako nararapat sa isang taong
tulad mo.
No’ng
una, feeling ko ikaw ang immature sa relasyon natin. Ikaw iyong hindi
nakakaintindi ng mga bagay-bagay, ikaw iyong masyadong mababaw ang reasoning.
Sampal pala sa akin iyon. Ako pala ang gano’n.
Pinagtatawanan
ko na nga lang sarili ko sa mga katangahan ko e. Naaalala mo pa nang nahuli mo
ko na me babae, ikaw pa nag-ayos ng pagkakamali ko ‘di ba? Ikaw pa iyong
pumunta sa bahay para kausapin ako kahit hindi mo na ako nadatnan doon. Ikaw
iyong nagbulag-bulagan sa mga pagkakamaling ginawa ko, ikaw iyong umintindi sa
lahat. Hindi ko inalagaan iyong pagmamahal na binigay mo, hindi ko iningatan
iyong tiwala na ipinagkaloob mo sa akin. Nasaktan kita ng paulit-ulit.
Turning
point nang buhay ko iyong minsan na hindi ako mapakali, umuulan ‘di ba, wala
akong pasok noon. Hindi ka mawala sa isip ko, lahat na ng sapatos na bahay e
nilabhan ko mapagod lang ako at maiwaksi ka sa isipan ko pero hindi pa rin
umubra. Hindi na ko nakapagpigil at pinuntahan na kita kahit pa bumabagyo at
kahit pa pinipigilan mo ako. Humingi ako sa’yo ng 5 seconds para lumabas ka
lang sa bahay niyo, 5 seconds lang para makita kita pero hindi mo ginawa. Sabi
ko sa sarili ko, grabe ka naman, but later on I realized, I deserve it.
After
that, hindi ko na alam ang sumunod na nangyari sa buhay mo, hindi ko na alam
kung ano plano mo. Wala naman na akong karapatan malaman pa iyon. Nang
makarating sa’kin na aalis ka pala e nagulat ako. Nakilala kita na hindi ikaw
iyong tipo ng taong magdedesisyon ng ganoon. Kaso nagawa mo, and I’m so proud
of you. Masakit nga iyong tinutulungan pa kitang magligpit nang mga gamit mo,
kasi pakiramdam ko tuluyan ka na talagang mawala sa’kin. Kasi bago ka pa man
umalis, lagi ako pumupunta sa mga lugar na madalas natin puntahan, umaasa kasi
ako na makakasalubong kita, umaasa ako na makita ka kahit papaano. Hindi
nangyari iyon. Immature siguro iyong iba ko pang paraan para makalimot, naging
napakasamang tao ko pa. I’ve dated several girls, at hindi tama iyon. Once
nangyari na akala ko nakalimutan na kita dahil masaya naman ako sa iba, pero
nang minsan akong nasa piling niya ikaw ang nakita ko – akala ko ikaw ang
kasama ko. Kaya mula noon e tinigil ko na. I’m such an asshole. Huli na akong
tumakbo ke God, at tama nga, hindi niya ako pinabayaan. I had a lot of job opportunities
that time, and they’re enough para mapagod ako’t pagdating sa bahay ay
makatulog na lang at wala ng panahon para maisip ka pa.
Pero
bakit ang hirap mo pa rin kalimutan? Ang hirap mo tanggalin sa dibdib ko, ano
bang pandikit ginamit mo? Bumabagsak na lang ng kusa ang mga luha ko sa tuwing
maaalala kita, sa tuwing mararamdaman kong mahal na mahal pa rin kita. Ang
hirap pekein ang sarili, ang hirap magtago ng emosyon, kasi sa tuwing
sinusubukan ko doon siya lalo lumalabas.
P’wede
ko bang sabihin sa’yo iyong lagi mong sinasabi sa’kin kung me problema tayo?
“Panget,
tulungan mo ko mawala ang sakit.”