Powered By Blogger

5/12/2014

Tulong

‘Di mo na ba ako mahal?


Gusto ko sanang itanong ‘yan sa’yo no’ng magkita tayo. Halos hindi ako mapakali, hindi ko alam kung paano ko itatago ang nararamdaman ko, hindi ko alam kung ano ba mararamdaman ko kapag magkasalubong mga mata natin.



Nakatalikod ka, alam ko ikaw na iyon, ang mahaba mong buhok na minsan kapag pumipikit ako kahit nang wala ka na ay nararamdaman ko pa rin. Babatiin ba kita? Kakausapin? Yayakapin?


“Oi, musta?” (sa tagal na ‘di tayo nagkita ‘yan lang sasabihin ko?”



“Ayos lang, ikaw?”



“Ayos din.” (Tapos na ‘yon? Iyon na ‘yon? ‘Di ko na dudugtungan? ‘Di ko naitatanong kung musta na sa bagong trabaho, musta na buhay mo, me nanliligaw na ba sa’yo, me mahal ka na bang iba?)



Lumipas ang mga panahon na wala akong magawa kundi tignan ka ng hindi mo nalalaman, ayaw kita titigan sa mata, natatakot akong hindi ko mapigilan ang sarili’t bigla na lang maluha. Teka, paano ba tayo napunta sa ganito? Masaya naman tayo dati ‘di ba? Bakit parang hindi na tayo magkakilala ngayon?




Alam mo, nang nagpaalam ka at sinabi mo na kelangan mo ng “time and space” hindi ganoon kasakit, madali kong tinanggap iyon. Akala ko kaya kong mawala ka, akala ko mas magiging madali ang buhay kapag ‘di ka kasama. Sa una, totoo iyon. Naramdaman kong para akong nakawala sa pagkakatali, nakawala sa anumang responsibilidad na meron ako sa’yo. I’m young, and that should go wild. Wala akong pananagutan sa’yo. Then I started feeling incomplete.



Ang dami na palang kulang sa buhay ko, sino na iti-text ko sa tuwing gigising sa umaga? Sino na pagkukuwentuhan ko ng mga nangyari sa maghapon ko, sino na pagsasabihan ko ng mga masayang o malungkot na pangyayari sa buhay ko – sino na ang magiging bahagi ng buhay ko?



Nakakabaliw. Nakakaiyak. Nakakainis. Maraming pagsisisi, pero hindi kita masisisi sa pag-iwan mo sa’kin. I deserve it. Iyong sakit na nararamdaman ko ngayon ay karma lang, dahil wala pa ‘yan sa sakit na naiparamdam ko sa’yo dati. Wala pa mga paghihirap na dinaranas ko ngayon sa mga paghihirap na dinanas mo sa piling ko. Tama ang naging desisyon mo na iwan ako. Hindi ako nararapat sa isang taong tulad mo.




No’ng una, feeling ko ikaw ang immature sa relasyon natin. Ikaw iyong hindi nakakaintindi ng mga bagay-bagay, ikaw iyong masyadong mababaw ang reasoning. Sampal pala sa akin iyon. Ako pala ang gano’n.




Pinagtatawanan ko na nga lang sarili ko sa mga katangahan ko e. Naaalala mo pa nang nahuli mo ko na me babae, ikaw pa nag-ayos ng pagkakamali ko ‘di ba? Ikaw pa iyong pumunta sa bahay para kausapin ako kahit hindi mo na ako nadatnan doon. Ikaw iyong nagbulag-bulagan sa mga pagkakamaling ginawa ko, ikaw iyong umintindi sa lahat. Hindi ko inalagaan iyong pagmamahal na binigay mo, hindi ko iningatan iyong tiwala na ipinagkaloob mo sa akin. Nasaktan kita ng paulit-ulit.




Turning point nang buhay ko iyong minsan na hindi ako mapakali, umuulan ‘di ba, wala akong pasok noon. Hindi ka mawala sa isip ko, lahat na ng sapatos na bahay e nilabhan ko mapagod lang ako at maiwaksi ka sa isipan ko pero hindi pa rin umubra. Hindi na ko nakapagpigil at pinuntahan na kita kahit pa bumabagyo at kahit pa pinipigilan mo ako. Humingi ako sa’yo ng 5 seconds para lumabas ka lang sa bahay niyo, 5 seconds lang para makita kita pero hindi mo ginawa. Sabi ko sa sarili ko, grabe ka naman, but later on I realized, I deserve it.



After that, hindi ko na alam ang sumunod na nangyari sa buhay mo, hindi ko na alam kung ano plano mo. Wala naman na akong karapatan malaman pa iyon. Nang makarating sa’kin na aalis ka pala e nagulat ako. Nakilala kita na hindi ikaw iyong tipo ng taong magdedesisyon ng ganoon. Kaso nagawa mo, and I’m so proud of you. Masakit nga iyong tinutulungan pa kitang magligpit nang mga gamit mo, kasi pakiramdam ko tuluyan ka na talagang mawala sa’kin. Kasi bago ka pa man umalis, lagi ako pumupunta sa mga lugar na madalas natin puntahan, umaasa kasi ako na makakasalubong kita, umaasa ako na makita ka kahit papaano. Hindi nangyari iyon. Immature siguro iyong iba ko pang paraan para makalimot, naging napakasamang tao ko pa. I’ve dated several girls, at hindi tama iyon. Once nangyari na akala ko nakalimutan na kita dahil masaya naman ako sa iba, pero nang minsan akong nasa piling niya ikaw ang nakita ko – akala ko ikaw ang kasama ko. Kaya mula noon e tinigil ko na. I’m such an asshole. Huli na akong tumakbo ke God, at tama nga, hindi niya ako pinabayaan. I had a lot of job opportunities that time, and they’re enough para mapagod ako’t pagdating sa bahay ay makatulog na lang at wala ng panahon para maisip ka pa.




Pero bakit ang hirap mo pa rin kalimutan? Ang hirap mo tanggalin sa dibdib ko, ano bang pandikit ginamit mo? Bumabagsak na lang ng kusa ang mga luha ko sa tuwing maaalala kita, sa tuwing mararamdaman kong mahal na mahal pa rin kita. Ang hirap pekein ang sarili, ang hirap magtago ng emosyon, kasi sa tuwing sinusubukan ko doon siya lalo lumalabas.




P’wede ko bang sabihin sa’yo iyong lagi mong sinasabi sa’kin kung me problema tayo?




“Panget, tulungan mo ko mawala ang sakit.” 

No comments: