Gusto ko tumambay sa dalampasigan, mag-abang ng boteng lumulutang at umaasang sa aking paghimas ay me lumabas na genie. Kaso ano ba ang hihilingin ko? Ang bumalik sa akin ang taong mahal ko o tuluyan ko na lang siyang makalimutan? Ang sarap isama at ipaanod sa dagat ang mga alaalang pinagsamahan, kung kaya mong ibaon na lang ang sakit, kung kaya mong paliparin sa hangin ang lahat ng hirap – noon mo pa ginawa.
Ang pag-ibig at hiwalayan ay hindi tulad ng sa ilaw na turn on at turn off lang e ayos na. Bakit ba ang dami pang kumplikasyon, bakit kung kelan mo gusto makalimutan e doon mo pa mas naaalala, kung kelan ka umuusad minsan doon mo pa mas mararamdaman iyong pagmamahal na natira, teka, nauubos nga ba ang pag-ibig?
Hindi ko rin siguro masasabi.
Wala naman eksaktong formula para malaman mo kung kelan darating at kelan mawawala. Hindi ka rin sigurado sa lahat, maaaring masayang-masaya kayo ngayon pero bigla na lang makararamdam ng pagkukulang. Lahat naman merong pagkukulang – lahat naman laging me hindi kasiguruhan. Emotions are always unstable. Walang pinal na desisyon ang emosyon, lahat maaaring magbago sa bawat pintig ng relo.
Ang dami ng kwentong naisulat tungkol sa pag-ibig, madalas paulit-ulit ngunit bakit walang natututo? Bakit nasasaktan pa rin tayo? Human nature. Kung makakaimbento lang sana ako ng gamot na magpapagaling sa mga nasaktan sa pag-ibig e ako na ang pinakamayamang tao sa buong mundo – dahil lahat malamang e naranasan masaktan.
Balance lang ang mundo. Kelanman hindi ito naging unfair. Tao ang unfair. Wala ring batas ang pag-ibig, hindi mo rin ito kontrolado, hindi mo hawak kung kanino ‘to uusbong.
Uulitin ko ang tanong ko kanina, kapag binigyan ka ng isang kahilingan ng genie at ang pagpipilian ay kung babalik ba sa’yo ang taong mahal mo o tuluyan mo na lang siyang makalimutan, ano ang pipiliin mo?
Ako?
Tatakbuhan ko ang genie, ayokong me makialam sa nararamdaman ko –ayokong me ibang elementong pipigil sa sakit na nasa dibdib ko. Hindi ko hihilingin na bumalik siya sakin sa takot kong magkasakitan kami ulit, at hindi ko rin hihilingin na makalimutan siya sapagkat hindi siya karapat-dapat kalimutan.
Takot akong makita siya. Takot akong malaman na mahal ko pa siya. Ano pa nga bang mangyayari kong malaman kong mahal ko pa rin siya? Wala akong ideya. Marahil sasabihin mong bakit ‘di ko subukan. Bakit hindi ko harapin ang takot ko, na paano ko malalaman ang mga sagot sa tanong ko kung hindi ko bibigyan ng pagkakataon masagot ang mga ito. Madaling sabihin – kay hirap gawin. Walang madali sa pag-ibig, lahat kelangan ng kumplikasyon. Lahat kelangan ng pagsisisi.
Oo nga’t marami rin naman nagtatagumpay, umaabot ang pagsasama na ke tagal, ‘yong mga successful sa kanilang one true love. Hindi iyon madali. Minsan, kelangan na lang natin mag-settle, kung sino iyong kapalagayan mo ng loob e ayos na, hindi natin nakukuha madalas iyong taong minahal natin ng sobra bagkus ang darating sa’tin e iyong mga taong handang magtama ng ating pagkakamali mula sa lumipas na pag-ibig.
Hindi nawawala ang nakaraang pag-ibig natatakpan na lamang ito ng panibagong pag-ibig.
Masasabi kong ang pinakamasakit na pamamaalam e iyong nagpapasalamat kayo sa isat-isa. Mas ayos sana iyong nagsumbatan na lang kayo ng mga pagkakamali para mas me dahilan na kalimutan na lang ang lahat, pero ang pamamaalam na binuo pa rin ng natitirang pagmamahal ang pinakamahirap tanggapin ngunit kelangan.
Kahit anong iwas ko na sumagi siya sa isipan ko e hindi ko magawa. Minsan akala ko wala na – magugulat na lang ako na andun pa pala. Noong una, akala ko kaya ko – nagkamali pala ko. Maari mong pagurin ang iyong sarili sa kung ano-ano pero mahirap iyong dumating ka sa oras o pagkakataon na matutulala ka na lang habang kinakain ka nang mga masasaya at masasakit na alaala. Ano kaya ang gagawin mo?
Ang humarap sa mundo at ipakitang hindi ka nasaktan o harapin siya at sabihin mong nasasaktan ka? Kung sinabi mo man, kaya ba nitong pawiin ang sakit? Kaya ba nitong burahin ang lahat? Masakit din ang magpanggap na wala lang sa’yo ang lahat. Empty words and laughter. Kung sino pa iyong sa tingin mong matigas siya pa pala ang malambot deep inside.
Lagi kong sinasabing mapapagod din ako, na kapag sobrang pagod na ay mawawala na lang basta – e hindi pala. Hindi ako magpapanggap na hindi ako umiiyak sa gabi at kusa na lang hahapdi ang mga mata hanggang sa makatulog na ako ng tuluyan, tulog lang nakawawala ng sakit minsan. Ngunit paggising mo sa ayaw at sa gusto kelangan mong tumayo, umusad, at humarap sa mga panibagong posibilidad. Posibilidad na maging ayos ang lahat.
Madalas sa’king dasal sinasabi ko na, Diyos ko, sana kunin mo na lang lahat ng sakit – ayoko na nito. Pero bakit hindi Niya kinukuha agad? Siguro, gusto rin Niya na matuto tayo. Gusto Niya marahil iparamdam na hindi madali ang pagbangon.
Kung siya kaya ang tanungin ng genie? Ano pipiliin niya? Ang bumalik sa’kin o tuluyan akong makalimutan?

No comments:
Post a Comment